--Ads--

Iniutos ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac ang pagbibigay ng komprehensibong reintegration assistance kay Mary Jane Veloso matapos itong pagkalooban ng absolute pardon at makalaya mula sa pagkakakulong.

Ayon sa DMW, bumuo na ng support team na makikipag-ugnayan sa pamilya ni Veloso sa Nueva Ecija upang maisakatuparan ang mga programang tutulong sa kanyang muling pagsisimula at pangmatagalang kabuhayan.

Sinabi ni Cacdac na kabilang sa mga hakbang ang pagbibigay ng family at community-level interventions para sa kapakanan ni Veloso, ng kanyang mga anak at mga magulang.

Makikipagtulungan din ang DMW sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta at maiugnay ang mga posibleng kabuhayan ni Veloso sa mga kooperatiba at oportunidad pang-ekonomiya sa Nueva Ecija.

--Ads--

Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang absolute pardon ni Veloso, na nakalaya matapos ang halos 16 na taong pagkakakulong kaugnay ng kasong droga sa Indonesia.