Nakapagbigay na ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mahigit 6,000 Pilipino sa Saudi Arabia na naapektuhan ng nagpapatuloy na pag-atake ng grupong Houthi rebels.
Mahigit 4,000 sa mga natulungan ay mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga paliparan na naapektuhan ng pansamantalang pagsasara at limitadong operasyon ng mga flight.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kabilang sa mga tinutulungan ang mga ground crew, maintenance personnel, duty-free staff, manggagawa sa mga coffee shop at concessionaire, gayundin ang mga flight attendant na naapektuhan ang trabaho.
Tatlong linggong isinara ang paliparan sa Riyadh at bagama’t muli na itong nagbukas, limitado pa rin ang operasyon ng mga flight at wala pang direktang biyahe mula Riyadh patungong Maynila.
Kaugnay nito, lumagda ang DMW sa isang memorandum of understanding kasama ang International Transport Workers Federation upang palakasin ang proteksiyon at tulong para sa mga Pilipinong manggagawa sa Saudi Arabia.
Samantala, nasira ang ilang bahagi ng gusali ng isang malaking kumpanya ng langis sa Riyadh matapos ang tangkang pag-atake na iniugnay sa Houthi rebels. Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.
Ayon sa tagapagsalita ng nasabing grupo, nagsagawa sila ng anim na operasyon gamit ang mga ballistic at cruise missile, gayundin ang mga drone.
Ibinahagi naman ng isang overseas Filipino worker na si Dan ang matinding takot na kanilang naramdaman nang makarinig ng malalakas na pagsabog at makatanggap ng alerto mula sa Civil Defense ng Saudi Arabia.
Aniya, nananatili ang pangamba ng mga Pilipino dahil hindi nila alam kung saan susunod na tatama ang mga pagsabog.
Matatandaang noong Oktubre, isang Pilipino ang nasawi matapos mabagsakan ng debris sa isang kumpanya ng langis kasunod ng airstrike na iniugnay rin sa pag-atake ng Houthi rebels.











