--Ads--

Nilinaw ng Department of Migrant Workers o DMW na wala sa mga Pilipinong crew members ng MV Hondius cruise ship na kasalukuyang naka-quarantine sa Netherlands ang nagpositibo sa hantavirus.

Ang pahayag ay ginawa matapos kumpirmahin ng Dutch health authorities na isang crew member ng barko ang isinugod sa ospital matapos magpositibo sa naturang virus habang nasa quarantine.

Hindi naman isinapubliko ang nasyonalidad ng naturang crew member.

Ayon sa DMW, hindi Pilipino ang crew member na nagpositibo sa hantavirus at nasa mabuting kalagayan naman umano ang 38 Filipino crew members na naka-quarantine sa Netherlands.

--Ads--

Samantala, sinabi ng Dutch National Institute for Public Health and the Environment na isinailalim sa isolation at dinala sa ospital ang crew member bilang pag-iingat habang nagpapatuloy ang monitoring sa kalagayan nito.

Ang MV Hondius ay isinailalim sa quarantine matapos ang naiulat na kaso ng hantavirus, isang sakit na maaaring maipasa sa tao mula sa ilang uri ng daga at iba pang rodents.