Nag-uusap ngayon ang Department of Energy (DOE), National Power Corporation (NAPOCOR), at Aboitiz Power Corporation para sa posibleng paglagda ng memorandum of understanding kaugnay ng pagpapaunlad ng nuclear energy sa bansa.
Ayon sa DOE, layunin ng kasunduan na tukuyin ang mga posibleng lokasyon para sa pagtatayo ng nuclear power plants sa Pilipinas, kabilang ang muling pag-aaral sa dating Bataan Nuclear Power Plant na ipinatayo noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Bahagi ng plano ang masusing pag-aaral sa safety standards, regulatory readiness, at infrastructure requirements alinsunod sa pamantayan ng International Atomic Energy Agency (IAEA).
Layunin din nitong pag-aralan ang mga best practices ng ibang bansa sa nuclear energy development upang magamit sa posibleng implementasyon sa Pilipinas.
Target ng gobyerno na isama ang nuclear energy sa long-term energy mix ng bansa pagsapit ng 2032, bilang bahagi ng hakbang para sa mas matatag at sustainable na suplay ng kuryente.
Tiniyak ng DOE na sa pakikipagtulungan sa pribado at pampublikong sektor, patuloy ang pagsusulong ng energy security at clean energy development para sa mga Pilipino.











