Iniutos ng Department of Justice (DOJ) sa Senado na magsumite ng listahan ng mga baril na nakarehistro at naisyuhan sa Mataas na Kapulungan bilang bahagi ng imbestigasyon sa naganap na pamamaril noong Mayo 13.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, hiniling din ng DOJ ang security logs ng Senado na naglalaman ng oras, petsa, at mga pangalan ng lahat ng pumasok at lumabas sa gusali ng Senado.
Kasama rin sa mga hinihinging dokumento ang inventory ng mga armas na nasa ilalim ng Senado na dapat isumite ng Commission on Audit at ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office (FEO).
Ayon sa special panel of prosecutors, nais nilang matukoy ang may-ari ng isang Scorpion firearm na lumabas sa video footage ng insidente.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), 26 sa 36 na nakuhang shell casing ay mula sa 9mm CZ Scorpion Evo 3 na umano’y pinaputok ng suspendidong Senate sergeant-at-arms na si Mao Aplasca.
Naglabas rin ng subpoena ang DOJ sa Office of the Senate Secretary para sa mga dokumentong may kaugnayan sa imbestigasyon, kabilang ang oath of office ni Aplasca.
Binigyang-diin ng DOJ na ang pagtatago, panlilinlang, o paghadlang sa imbestigasyon ay itinuturing na obstruction of justice na may kaparusahang perpetual disqualification sa public office.
Samantala, sinimulan na rin ng PNP ang proseso ng pagbawi sa mga lisensya ng armas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kasunod ng kautusan ng DOJ at NBI na ipatupad ang kanyang pag-aresto.
Ayon sa Firearms and Explosives Office, may 118 rehistradong baril si Dela Rosa na nakapangalan sa isang address sa Davao City at itinuturing na “armed and dangerous.”
Iniulat din ng DOJ at NBI na humiling na sila ng tulong sa PNP para sa tuluyang pagbawi ng lisensya ng senador.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad si Dela Rosa matapos siyang magtago kasunod ng insidente, habang iniimbestigahan din ang posibleng papel ng ilang opisyal at indibidwal sa kanyang pagtakas.











