--Ads--

Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsusuri sa kahilingan ng Estados Unidos na ipa-extradite ang nakakulong na religious leader na si Apollo Quiboloy, na kabilang sa Most Wanted List ng Federal Bureau of Investigation (FBI) kaugnay ng mga kasong sex trafficking at child exploitation.

Sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na kabilang sa sinusuri ng DOJ ang umiiral na extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, mga kaugnay na batas, mga desisyon ng Korte Suprema, at mga nakabinbing kaso ni Quiboloy sa bansa.

Ayon kay Vida, unang tinitingnan ng ahensya ang pormal na kahilingang ipinadala sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang matiyak na naaayon ito sa mga probisyon ng kasunduan sa extradition ng dalawang bansa.

Aniya, nasa yugto pa lamang ng evaluation ang DOJ at maglalabas lamang ito ng desisyon matapos makumpleto ang masusing pagsusuri sa lahat ng kaugnay na dokumento at legal na usapin.

--Ads--

Ipinaliwanag din ng kalihim na hindi lamang ang extradition treaty ang pagbabatayan ng kanilang pag-aaral kundi maging ang kabuuang legal na sistema ng Pilipinas, kabilang ang Rules of Court at mga umiiral na desisyon ng Korte Suprema na magsisilbing gabay sa anumang hakbang ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, mahalagang isaalang-alang ang mga kasong kinahaharap ni Quiboloy sa mga korte sa Pilipinas dahil maaari itong magkaroon ng implikasyon sa anumang extradition proceedings.

Binigyang-diin ni Vida na susuriing mabuti ang lahat ng legal na aspeto upang matukoy kung may mga hadlang sa kahilingan ng Estados Unidos at upang matiyak na ang anumang magiging aksyon ng pamahalaan ay naaayon sa batas.