--Ads--

Target na mabigyan ng pansamantalang hanapbuhay ang 451 na indibidwal sa lungsod ng Cauayan sa ilalim ng TUPAD program ng Department of Labor and Employment.

Sa isinagawang profiling at orientation sa mga benepisyaryo, ipinaliwanag ng DOLE na layunin ng programa na mabigyan ng temporary income ang mga disadvantaged at displaced workers sa pamamagitan ng 15 araw na emergency employment.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Vincent Galit, Tupad Coordinator ng DOLE Isabela Field Office, sinabi nito na kasalukuyan pang isinasagawa ang site validation upang matukoy ang mga proyektong ipatutupad sa bawat barangay na may direktang pakinabang sa komunidad.

Kabilang sa mga posibleng gawain ng mga benepisyaryo ang tree planting at iba pang community-based projects tulad ng agroforestry.

--Ads--

Ipinaliwanag din ng DOLE na ang pagpili ng mga benepisyaryo ay dumaraan sa proseso kung saan nakikipag-ugnayan ang Public Employment Service Office o PESO sa mga barangay upang matukoy ang mga kwalipikadong indibidwal.

Matapos ang rekomendasyon mula sa barangay, ini-interview at pini-profile isa-isa ng DOLE ang mga aplikante upang matiyak na pasok sila sa kwalipikasyon ng programa.

Nilinaw naman ng ahensya na karaniwang isang beses lamang sa isang taon maaaring maging benepisyaryo ang isang indibidwal, maliban na lamang kung may espesyal na sitwasyon tulad ng pagkakaroon ng kalamidad na nakaapekto sa kanilang kabuhayan.

Matapos ang profiling, dadaan sa evaluation at encoding ang mga dokumento bago isumite sa regional office ng DOLE para sa pinal na pag-apruba.