CAUAYAN CITY- Nagpapaalala ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na obserbahan ang mga warning signages na makikita sa mga ginagawang kalsada.
Kaugnay ito sa napapadalas na aksidente na naitatala sa mga construction site sa lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ceasar Agustin, Information Officer ng DPWH – Isabela 3rd District, sinabi niya na may mga natatanggap din silang report tungkol sa mga ginagawang kalsada sa bayan ng Alicia at lungsod ng Cauayan.
Matatandaan kasi na sunod-sunod na rin ang naitalang aksidente sa bypass road Alicia Isabela maging sa papuntang Airport, sa San Fermin Cauayan, City.
Paglilinaw ng ahensya na hindi hawak ng DPWH Isabela 3rd District ang naturang lugar at wala silang kontrol sa proyektong ginagawa.
Gayunpaman ay tungkulin naman aniya nila na magbigay ng babala sa mga motorista upang maiwasan na ang mga aksidente.
Paalala ni Engr. Agustin, obserbahan ang mga warning light o signage at wag isabahala tuwing makikita ang mga ito.
Kadalasan umano ay mayroon nang mga warning sign 500 meters, 300 meters, at 100 meters bago pa man ang construction site.
May mga visible warning light din na nilalagay upang agad na mapansin ang daan at maiwasan ang na maaksidente.
Pinaalalahanan din ang mga motorista na sumunod sa tamang speed limit upang siguradong mapansin ang mga signage at barikada sa daan.
Tiniyak naman ng tanggapan na maipaparating sa DPWH Region 2 ang mga concern ng mga motorista upang magkaroon ng inspection sa mga lugar at masuri kung lahat ba ng DPWH ay sumusunod sa tamang paglalagay ng road signages.