
CAUAYAN CITY – Patay ang isang senior citizen na driver sa naganap na pamamaril dakong alas diyes kagabi sa Bantug, Roxas, Isabela
Ang biktima ay si Benjamin Rivera, 67 anyos at residente ng nabanggit na barangay.
Hindi pa nakilala ang dalawang suspek sa pamamaril sa biktima.
Lumabas sa imbestigasyon ng Roxas Police Station na bago ang pamamaril ay nagkaroon ng inuman sa bahay ng biktima kasama ang anak na si Benjo Rivera.
Napansin ng nakatatandang Rivera ang dalawang suspek kaya niya nilapitan.
Gayunman, bumunot ng baril ang isa sa mga suspek mula sa kanyang baywang at binaril nang dalawang beses si Rivera.
Nakatakbo pa si Rivera ngunit pinaputukan pa rin siya ng suspek hanggang sa matumba.
Tumakas ang dalawang suspek ngunit iniwan nila ang kanilang motorsiklo na Honda wave na kulay blue at walang plaka at isang pares ng tsinelas.
Naisugod pa si Benjamin Rivera sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Patuloy ang imbestigasyon ng Roxas Police Station para matukoy at madakip ang dalawang suspek.










