--Ads--

Sabay-sabay na isinasagawa ngayong Nobyembre 14 ang Dugong Bombo 2026, ang taunang malawakang voluntary blood donation drive ng Bombo Radyo Philippines sa 25 pangunahing lugar sa buong bansa.

Isinasagawa ang aktibidad katuwang ang Bombo Radyo Philippines Foundation, Inc. at Philippine Red Cross bilang bahagi ng patuloy na kampanya para mahikayat ang publiko na magboluntaryong mag-donate ng dugo at makatulong sa pagsagip ng buhay.

May temang “A Little Pain, A Life to Gain,” layunin ng programa na ipaalala na bagama’t may kaunting sakit at ilang minutong gugugulin sa pagdo-donate ng dugo, maaari naman itong maging daan upang mailigtas ang buhay ng isang taong nangangailangan nito.

Lalong naging makabuluhan ang aktibidad ngayong taon kasabay ng pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng Bombo Radyo Philippines at mahigit dalawang dekada nang pagsasagawa ng Dugong Bombo.

--Ads--

Sa loob ng mahigit 20 taon, nakatulong na ang programa sa pagbibigay ng libo-libong blood units sa mga blood bank, ospital at emergency response units na ginagamit sa pangangailangan ng mga pasyente.

Muling nakikiisa sa aktibidad ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, organisasyong sibiko, relihiyosong grupo, paaralan, uniformed personnel, pribadong kumpanya at mga indibidwal na boluntaryong nagkakaloob ng dugo.

Binigyang-diin din ng Bombo Radyo Philippines na walang makapapalit sa dugo ng tao sa kabila ng patuloy na pag-unlad ng medical science at teknolohiya, lalo na sa mga pagkakataong nangangailangan ng agarang pagsasalin ng dugo.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng Bombo Radyo Philippines sa lahat ng donors, sponsors, partner organizations at volunteers na patuloy na sumusuporta sa programa.

Sa Cauayan City, isinasagawa ang Dugong Bombo 2026 sa F.L. Dy Coliseum, bilang bahagi ng sabayang bloodletting activity sa buong bansa.