Emosyonal pa rin at nagdadalamhati ang pamilya ng 67-anyos na biktima na nasawi matapos mabangga ng isang kulong-kulong sa Barangay Cabaruan, Cauayan City.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula mismo sa anak ng biktima, personal na nagtungo sa kanilang tahanan ang mga kaanak ng suspek upang humingi ng tawad at makipag-usap sa pamilya.
Matapos ang kanilang pag-uusap, napagdesisyunan ng pamilya na pagbigyan ang hiling na areglo, dahil batid umano nila ang simpleng estado sa buhay ng suspek na nagtatrabaho lamang bilang delivery boy ng karne sa lungsod.
Dagdag pa rito, napag-alaman din ng pamilya na tila napabayaan umano ng may-ari ng negosyo ang empleyado nito. Dahil dito, pamilya na mismo ng suspek ang sumasalo at gagawa ng paraan upang akuin ang kaukulang bayarin.
Gayunman, habang bukas pa ang pamilya sa posibilidad ng areglo, nag-iwan naman ng mahigpit na babala ang anak ng biktima na kung sakaling hindi tumugon o mapako sa napagkasunduan ang panig ng suspek, wala silang magiging ibang pagpipilian kundi ituloy ang pagsasampa ng pormal na kaso.
Isa rin sa mga naging matimbang na batayan ng pamilya ang impormasyong nakalap mula sa mga awtoridad na lumalabas na wala umanong kaukulang lisensya ang driver na nakabangga sa biktima.
Dahil dito, binigyan lamang ng pamilya ng sapat na palugit o deadline ang mga kaanak ng suspek upang tuparin ang kanilang napagkasunduan.







