Nagdulot ng pansamantalang power interruption ang isang dumptruck matapos sumabit sa kable ng kuryente ang bed nito habang dumadaan sa national highway sa Sillawit, Cauayan City.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan sa mga nakasaksing residente, nang nakahinto na ang dump truck dahil sa pagkakasabit ay nasalpok naman ng isang van ang likurang bahagi nito.
Sa kabutihang-palad, wala namang naiulat na major injuries sa mga driver ng mga sangkot na sasakyan.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan Rescue 922 upang mabigyan ng paunang lunas ang mga sangkot sa insidente.
Rumesponde rin ang mga personnel ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1 upang ayusin ang mga kable ng kuryenteng sumabit sa dump truck at maibalik agad ang suplay ng kuryente sa mga residenteng naapektuhan ng power interruption.
Samantala, dinala sa himpilan ng pulisya ang mga driver ng dalawang sasakyan para sa kaukulang imbestigasyon at pag-uusap ng magkabilang panig.
Sa kasalukuyan, maayos na ang daloy ng trapiko sa naturang bahagi ng National Highway, bagama’t pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat dahil sa pag-ulan na nararanasan sa lugar bunsod ng habagat.










