Binigyang-diin ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre na ang mga ebidensya at hindi ang nalalapit na 2028 presidential elections ang dapat pagbatayan ng mga mambabatas sa pagtalakay sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Acidre ang pahayag kasabay ng paghahanda ng House Committee on Justice sa nakatakdang pagdinig sa Abril 22, kung saan inaasahang ilalahad ang karagdagang ebidensya kaugnay ng mga reklamong inihain laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Acidre, bagama’t normal ang pangamba at pag-aalinlangan ng ilang kongresista dahil sa politikal na implikasyon ng usapin, hindi dapat iwasan ang tanong kung dapat bang ma-impeach ang Bise Presidente at kung may nagawa itong dapat panagutan.
Dagdag pa ng mambabatas, mahalagang isaalang-alang na ang posisyon at malakas na mandato ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan ay may implikasyon sa susunod na halalan, kaya nararapat lamang na mabigyan ang publiko ng balanseng pag-unawa sa isyu.
Binigyang-diin din ni Acidre ang kahalagahan ng masusing pagsusuri sa mga ebidensya, lalo na para sa mga kasalukuyang miyembro ng Kamara na hindi bahagi ng 19th Congress noong isinagawa ang mga naunang imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo.
Sa ngayon, patuloy na nirerepaso ng House Committee on Justice ang mga ebidensya upang matukoy kung mayroong probable cause na magbibigay-daan sa pag-akyat ng impeachment complaint sa Senado, na magsisilbing impeachment court.
Samantala, nananatiling isa si Duterte sa mga nangunguna sa mga survey para sa 2028 presidential elections.










