Hindi na kailangan pang magdala ng napakaraming identification cards sa tuwing magpoproseso ng papeles sa Comelec Cauayan. Ito ay matapos nilang ipatupad ang One Valid ID Policy alinsunod sa utos ng Anti-Red Tape Authority (ARTA)—ang ahensya ng pamahalaan na nakatutok sa pag-alis ng tinatawag na “red tape” at pagpapabilis ng mga pampublikong serbisyo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Attorney Johanna Vallejo, binanggit nito na iisang valid ID na lamang ang kinakailangang iprisinta sa kanilang tanggapan. Dagdag pa ng opisyal, kung sakaling walang hawak na valid ID o anumang proof of identification ang isang aplikante, maaari silang magsama ng isang rehistradong botante mula sa kanilang barangay upang magsilbing tagapagpatunay sa kanilang pagkakakilanlan at paninirahan.
Kasabay nito, nanawagan at nanghikayat din si Atty. Johanna sa mga hindi pa nakakapagparehistro na magtungo na sa kanilang tanggapan dahil opisyal nang gumugulong ang Voter’s Registration para sa 2028 National and Local Elections.
Samantala, ipinaalala ng Comelec Cauayan na bukas ang kanilang tanggapan mula Martes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi, at tuwing Sabado mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon. Naka-work from home naman ang mga kawani tuwing araw ng Lunes dahil sa ipinapatupad na modified work schedule.











