--Ads--

Itinutulak ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2) ang pagsusuri sa mga epektibong modelo ng asynchronous learning upang matugunan ang learning gap na dulot ng madalas na suspensyon ng klase dahil sa masamang panahon.

Ayon kay EDCOM2 Executive Director Dr. Karol Mark Yee, natuklasan sa pag-aaral ng komisyon na nasa 30 hanggang 50 araw ng 180-day school year ang nawawala sa nakalipas na dalawang taon dahil sa mga class suspension.

Dahil dito, nahihirapan umanong habulin ng mga mag-aaral ang mga aralin na dapat nilang matutuhan sa loob ng isang quarter.

Ipinaliwanag ni Yee na hindi sapat ang biglaang paghabol sa mga naantalang aralin dahil kailangang isaalang-alang ang oras at kapasidad ng mga guro at estudyante.

--Ads--

Kaya naman nais ng EDCOM2 na masuri ang mga asynchronous learning models na maaaring gamitin upang maipagpatuloy ang pag-aaral kahit walang face-to-face classes.

Layunin nitong mabawasan ang learning gaps at matiyak na hindi tuluyang mawawala ang mahahalagang araw ng pagkatuto ng mga estudyante dahil sa mga suspensyon ng klase.