Nanawagan ang kilalang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang panukalang batas na layong palawigin ang termino ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay at muling ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Macalintal, ang pagpirma ng Pangulo sa naturang panukala, o ang pagpayag na ito’y awtomatikong maging batas, ay tila pagtalikod sa sagradong karapatan ng mga Pilipino na bumoto.
Sinabi ng election lawyer na ang mga Pilipino ay may karapatang pumili ng kanilang mga pinuno at hindi umano nararapat na pamunuan sila ng mga opisyal nang walang mandato mula sa taumbayan.
Tinukoy ni Macalintal ang panukalang batas mula sa Kongreso na “An Act Setting the Term of Office” para sa mga opisyal ng barangay, na, ayon sa kanya, ay naglalayong palawigin pa ng isang taon ang termino ng mga kasalukuyang opisyal, at bigyan sila ng panibagong apat na taong termino kung sila’y muling mahalal sa panukalang bagong petsa ng halalan sa Nobyembre 2, 2026 — imbes na Disyembre 1 ngayong taon.
Binatikos din ni Macalintal ang panukalang petsa ng halalan na Nobyembre 2, 2026, dahil ito ay sumasabay sa Undas — ang panahon ng paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay, na aniya’y hindi praktikal para sa halalan.
Pinaalalahanan din niya ang legal team ng Pangulo tungkol sa naunang desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing ang anumang pagpapaliban ng halalan ay dapat may sapat na batayang interes ng gobyerno upang masiguro ang malaya at makabuluhang pagganap ng karapatang bumoto, na nangangailangan ng regular at tunay na halalan.
Aniya, ang panukalang pagpapaliban ay walang sapat na dahilan o interes ng gobyerno na maaring sumuporta sa pagpasa nito.
Dagdag pa ni Macalintal, may parehong mga isyung konstitusyonal at legal ang bagong panukalang batas na gaya ng Republic Act No. 11935, na naglalayong ipagpaliban ang Disyembre 2022 BSKE, isang batas na idineklarang labag sa Saligang Batas ng Korte Suprema noong 2023.





