Inatasan ng Sandiganbayan na humarap at tumestigo sa Agosto 12 si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng ₱92.8-milyong kasong malversation laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na may kaugnayan sa isang flood control project sa Bulacan.
Ayon sa Sandiganbayan, nagpalabas ang Third Division ng subpoena laban kay Bonoan matapos itong hilingin ng prosekusyon sa pagdinig ng kaso ni Revilla.
Inatasan din ng korte si Philippine National Police Health Service Director Police Brigadier General Portia Manalad na tiyaking maihaharap si Bonoan sa Sandiganbayan sa itinakdang pagdinig.
Ang kaso ni Revilla ay may kaugnayan sa isang ₱92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan kung saan walang nakitang pisikal na istruktura ang Sandiganbayan sa isinagawang inspeksyon sa lugar noong Abril.
Matatandaang pansamantalang nakalaya si Revilla noong Hulyo 31 matapos payagan ng Sandiganbayan ang kanyang petisyon para sa piyansa. Ayon sa mayorya ng Third Division, nabigo ang prosekusyon na magpakita ng sapat na ebidensiyang direktang nag-uugnay sa dating senador sa umano’y maanomalyang proyekto.
Gayunman, tumutol si Associate Justice Karl Miranda sa desisyon at iginiit na may sapat na ebidensiyang nagpapakita ng mahalagang papel ni Revilla sa umano’y maling paggamit ng pondo para sa proyekto.
Samantala, umapela na ang Office of the Ombudsman sa desisyon ng anti-graft court, iginiit na hindi nabigyan ng sapat na bigat ang mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon laban sa dating senador.
Si Bonoan ay nahaharap din sa hiwalay na kasong plunder na nagkakahalaga ng ₱573 milyon at dalawang bilang ng graft kaugnay ng umano’y mga anomalya sa mga flood control project.











