--Ads--

Sisimulan ng Philippine Women’s National Football Team o Filipinas sa susunod na taon ang kampanya nito para makapasok sa 2028 Los Angeles Olympics sa pamamagitan ng pagsabak sa AFC Women’s Football Qualifiers sa Abril 2027.

Makakasama ng Pilipinas sa Group stage ang North Korea, South Korea at China, kung saan ang koponang magtatapos sa unang puwesto ang makakakuha ng direktang tiket sa Olympics.

Samantala, maglalaban sa playoff ang dalawang pinakamahusay na koponang magtatapos sa ikalawang puwesto sa kani-kanilang grupo, at haharap ang magwawagi sa kinatawan ng South American football confederation o CONMEBOL na Argentina.

Unang makakaharap ng Filipinas ang North Korea bago ang kanilang laban kontra China sa Abril 2027.

--Ads--

Susundan ito ng dalawang paghaharap kontra South Korea sa Oktubre, bago muling makasagupa ang North Korea at China sa huling bahagi ng Nobyembre hanggang unang bahagi ng Disyembre.

Samantala, bubuuin naman ng Japan, Australia, Chinese Taipei at Uzbekistan ang kabilang grupo.

Bukod dito, nakatakda ring lumahok ang Filipinas sa FIFA Women’s World Cup sa Hulyo 2027.