Nasa heightened alert ang mga Pilipinong nasa Kuwait kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Joan Cadauan Logan, na kasalukuyang nasa Kuwait, malapit ang kanilang kinaroroonan sa isang US military installation kung saan malinaw umano nilang nasasaksihan ang pagbagsak ng mga missile.
Ikinuwento ni Logan na labis ang kanilang pangamba dahil sa sunod-sunod na pagsabog na yumanig sa kanilang lugar, na aniya’y mistulang lindol ang lakas ng pag-uga ng kanilang bahay.
Noong Pebrero 28, tinatayang nasa sampung magkakahiwalay na pagsabog ng missile ang kanilang narinig, habang kahapon, Marso 1, ay nakapagtala naman ng apat pang insidente ng pagsabog sa kanilang lugar.
Sinabi rin ng correspondent na nagsagawa na sila ng precautionary measures sakaling lumala ang sitwasyon. Kabilang dito ang pagtiyak na fully charged ang kanilang mga cellular phone at paghahanda ng sapat na suplay ng tubig at damit. Gayunman, wala umanong basement ang bahay ng kanyang employer kaya limitado ang kanilang mapagkukublihan sakaling kailanganing lumikas.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng mga establisimyento at hindi pa kanselado ang trabaho ng kanyang mga employer, habang ang mga paaralan naman ay pansamantalang nagsasagawa ng online classes bilang pag-iingat.











