Patatayuan ng floating solar na may lawak na aabot sa 10 ektarya ang Magat Dam, Ramon Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan ang Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA MARIIS , sinabi niyang wala naman silang nakikitang magiging epekto o hamon sa operasyon ng dam.
Aniya, kapag natakpan ng mga floating solar panels ang bahagi ng tubig, mababawasan ang evaporation nito.
Nilinaw rin ni Engr. Ablan na hindi ito aktwal na nakalatag sa tubig sa lahat ng bahagi.
Ayon pa sa kanya, pinag-uusapan pa rin sa Memorandum of Agreement (MOA) ang kaugnayan ng proyekto sa income generation ng NIA MARIIS. Kapag nakaproduce ang proyekto ng 10 megawatts, ang enerhiya nito ay mapapasok sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa lalawigan ng Isabela.
Dagdag pa ni Engr. Ablan, may ilang fish cages na maaapektuhan sa gitna ng katubigan, tulad sa area ng BFAR-CAR, ngunit maingat itong tinitingnan sakaling ipatupad na ang proyekto.
Sa kasalukuyan, pinala-finalize pa ang MOA para sa implementasyon ng naturang proyekto.











