Isang “foodie” ang muling nag-ukit ng pangalan sa Guinness World Records matapos makakain sa 28 Michelin-star restaurants sa New York sa loob lamang ng 24 oras.
Ang bida sa rekord na ito ay si Joshua Fyksen mula Las Vegas. Nagsimula siya sa Oxomoco sa Brooklyn noong Mayo 9, 2025, at tinapos ang kanyang food marathon kinabukasan sa Gramercy Tavern sa Manhattan.
Hindi ito ang unang beses na nakapagtala si Fyksen ng rekord. Noong 2023, nakapunta siya sa 22 Michelin-starred restaurants sa New York sa loob ng isang araw. Ngunit naagaw ang titulo noong 2024 ng mga foodies mula India na sina Sujoy Kumar Mitra at Rajnish Kumar Tripathi, matapos nilang bisitahin ang 25 Michelin-star restaurants sa Hong Kong. Dahil dito, muling bumalik si Fyksen sa New York upang hamunin ang sarili at bawiin ang korona.
Ayon kay Fyksen, hindi niya na nais isipin ang kabuuang gastos. Ang pagkain lamang ay umabot ng $976.97, bukod pa sa tips. Ang pamasahe sa pagitan ng mga restaurant ay umabot naman ng $474.37.
Gayunpaman, sulit umano ang lahat para sa kanya. Kabilang sa mga paborito niyang putahe ang Jonah crab salad na may Apple at Wasabi sa Le Pavillon, Scallop Dumpling na may English Peas at Foie Gras sa Tuome at Tortellini Pomodoro sa Torissi
Aniya, “Sa totoo lang, wala ni isang putahe na hindi ko nagustuhan sa pagkakataong ito.”





