Nagsagawa ng crisis cabinet meeting si French Prime Minister Sébastien Lecornu upang talakayin ang mararahas na protesta at pagnanakaw sa iba’t ibang bahagi ng France na ikinasira ng tinatayang 1,500 tindahan at negosyo.
Nagsimula ang mga demonstrasyon noong Sabado na nilahukan ng mahigit 500,000 katao na tumututol sa pagtaas ng gastusin sa pamumuhay at paghina ng serbisyong pampubliko, kabilang ang edukasyon. Gayunman, nauwi sa karahasan ang ilang pagtitipon matapos sumulpot ang mga grupong nanira at nagnakaw.
Ayon sa French Interior Ministry, nasa 1,000 pulis ang nasugatan sa mga kaguluhan, kabilang ang pito na malubha ang kalagayan.
Nanawagan naman si Pangulong Emmanuel Macron ng pagkakaisa at nangakong papanagutin ang mga responsable sa karahasan. Gayunman, binatikos ang kanyang talumpati dahil sa kawalan umano ng kongkretong hakbang upang tugunan ang mga hinaing ng publiko.
Inaasahan ng mga awtoridad ang pansamantalang paghupa ng tensiyon sa susunod na dalawang linggo, ngunit nakatakda ang panibagong malawakang protesta sa Nobyembre 5.











