--Ads--

Ipinatupad ang curfew sa ilang bahagi ng Paris at iba pang lungsod sa France kasunod ng mga kaguluhan at pagnanakaw nitong weekend.

Kabilang sa mga lungsod na may ipinatupad na paghihigpit ang Marseille, Bordeaux, Nice, Lyon at Lille. Sa Paris, ipinagbawal ang paglabas sa ilang lugar mula alas-11 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga, oras sa France.

Mahigit 2,500 katao ang naaresto at nasa 1,000 pulis ang naiulat na nasugatan. Nagsimula ang mga protesta noong nakaraang buwan sa panawagan ng mga estudyante para sa mas maayos na kondisyon sa mga paaralan, bago lumawak ang mga hinaing ng mga nagpoprotesta.

Ayon kay Prime Minister Sébastien Lecornu, binigyan ang mga lokal na alkalde ng kapangyarihang magpatupad ng curfew kung kinakailangan. Nangako rin ang pamahalaan ng tulong para sa mga negosyong napinsala at mga manggagawang hindi makapasok dahil sa kaguluhan.

--Ads--

Mahigit 2,000 negosyo ang naapektuhan, na may tinatayang pinsalang aabot sa daan-daang milyong euro. Patuloy namang sinusuri ng mga imbestigador ang CCTV footage upang matukoy ang mga hinihinalang nasa likod ng karahasan.