Arestado sa NAIA Terminal 3 ang isang 77-anyos na German matapos madiskubre ang tinatayang walong kilo ng shabu na nakatago sa mga bibliya sa kanyang bagahe.
Dumating ang pasahero mula sa Addis Ababa, Ethiopia nang ma-flag ang kanyang gamit sa routine X-ray screening dahil sa kahina-hinalang bagay sa loob ng mga aklat. Sa masusing inspeksyon, natuklasan ang 8,145 grams ng iligal na droga na nakabalot sa plastic at duct tape at itinago sa false compartment ng maleta.
Kinumpirma ng K9 unit at field test na shabu ang nasabat na droga na nagkakahalaga ng mahigit P55 milyon.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng Bureau of Customs-NAIA katuwang ang iba pang law enforcement agencies, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa mga paliparan.











