Arestado ang isang 56-anyos na babae matapos maaktohan sa pagtutulak ng Ilegal na Droga sa ikinasang Anti-illegal drug buy-bust operation ngayong araw, Pebrero 26, pasado alas-5:17 ng hapon sa Bypass Road, Purok 1, Divisoria, Santiago City.
Kinilala ng mga Pulisya ang suspek na si Alyas Mae, walang trabaho at residente ng Las Piñas, Metro Manila.
Sa naging Panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT Stephen Carandang, Operation Officer ng Police Station 4, nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 10.5 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na ₱66,404.
Bukod dito, narekober din ang isang digital weighing scale, isang pouch bag, isang shoulder bag, at isang cellphone na pinaniniwalaang ginamit sa transaksyon.
Isinagawa ang operasyon sa pinagsanib na puwersa ng Santiago Drug Enforcement Unit (SDEU), City Drug Enforcement Unit ng Santiago City Police Office (SCPO), at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Samantala, sinabi ni Carandang na ang pagkakaaresto sa babae ay may kaugnayan sa dalawang naunang operasyon kahapon, Pebrero 25.
Sa magkahiwalay na anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad, naaresto ang dalawang lalaki na kinilalang alyas Joey, 33-anyos, isang pintor at residente ng Barangay Mabini, at alyas Boy, 38-anyos, Isang drayber at residente ng Jones, Isabela.
Sa naturang operasyon, nakumpiska mula sa dalawang suspek ang kabuuang humigit-kumulang 2.6 gramo ng hinihinalang shabu, 1.3 gramo ang nabili sa aktwal na transaksyon at 1.3 gramo ang nakuha sa kanilang direktang pag-iingat na may kabuuang halagang ₱17,680 batay sa SDP.
Narekober din ang isang ₱1,000 na tunay na pera, ₱2,000 na boodle money, at kanilang mga cellphone.
Dagdag pa ni Carandang, lumalabas sa imbestigasyon na magkakakilala umano ang tatlong suspek at pawang sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga.
Itinuro umano ng dalawang lalaki ang 56-anyos na babae dahilan upang magsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang tatlong suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa paglabag sa Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
--Ads--











