--Ads--

Sugatan ang isang Ginang matapos na pagtatagain ng kaniyang kapitbahay sa Barangay Alicaocao, Cauayan City, Isabela nitong ika-14 ng Mayo.

Batay sa ulat, ang biktima ay itinago sa alyas na “Lisa” habang ang suspek naman ay si alyas “Lee,” 73 anyos at kapwa residente ng nasabing barangay.

Sa isinagawang imbestigasyon, nagtungo umano ang biktima sa kanilang bakuran upang mamitas ng citrus habang ang suspek naman ay nagpapakain ng kaniyang mga alagang bibe.

Makalipas ang ilang minuto, kinausap umano ng biktima ang suspek hinggil sa nasirang hog wire fence.

--Ads--

Habang nag-uusap, bigla umanong nagalit ang suspek at kumuha ng bolo na nakalapag malapit sa lugar bago nito pinagtataga ang biktima.

Tinangka pa umano ng suspek na habulin gamit ang bolo ang ilang rumespondeng residente bago tuluyang tumakas sa hindi malamang direksyon.

Agad namang rumesponde ang mga opisyal ng barangay at mga tauhan ng kapulisan na nauwi sa pagkakaaresto ng suspek.

Sinubukan naman itong kunan ng pahayag ngunit tumanggi na itong magbigay ng taped interview.

Inamin naman ng suspek ang nagawang pananaga ngunit sinabi nitong hindi niya ito sinasadya at nadala lamang siya ng matinding emosyon sa kasagsagan ng kanilang pagtatalo.

Dinala naman ang biktima sa pinakamalapit na ospital para sa agarang medikal na atensyon sa tulong ng Rescue 922.

Lumabas din sa imbestigasyon na mayroon umanong matagal nang alitan ang biktima at suspek kaugnay sa isyu sa lupa.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.