
CAUAYAN CITY – Kinontra ni Governor Rodito Albano ang pahayag ng Department of Health (DOH) region 2 na mayroon nang local transmission sa Naguillian at Gamu, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, iginiit ni Gov. Albano na galing sa Metro Manila ang mga nakahawa sa kanilang mga kamag-anak.
Sinabi niya na dahil sa mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa Isabela ay pinag-aaralan na niya ang pagpapatupad ng pagsusuot ng face shield.
Samantala, mayroon nang binili si Gov. Albano na gamot na ininom ng ilang senador at kongresista na tinamaan ng COVID-19.
Ayon kay Gov. Albano, ang mga biniling gamot ay ang Jimin Qinghao capsule na ininom nina Senador Miguel Zubiri at Joel Villanueva at ilang kongresista na gumaling na sa COVID-19.
Sinabi ng gobernador na nag-order sila ng mga capsule para sa 500 na tao.
Dinalaw niya ang ilang quarantine facilities at ibinigay ang mga capsules na maaaring panggamot sa mga asymptomatic na COVID-19 positive.
Binisita rin niya ang City Hall ng Ilagan na isinailalim sa lockdown upang makita ang isinasagawang disinfection.
Tiniyak din ni Gov. Albano na isasailalim sa rapid test ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.










