Nagtutulong tulong na ngayon ang grupo ng mga Oversea Filipino Workers o OFW sa Hong Kong para makaagapay sa mga Pinoy helpers na naapektuhan ng high-rise fire sa Tai po City.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Eman Villanueva ng Bayan Hong Kong-Macao, sinabi niya na nakipag tulungan sila sa dalawang institusyon, ang Mission for Migrant Workers at Migrant Women’s Refuge para ilatag ang emergency help desk na nanatiling operational mula pa noong November 27.
Layunin nito na alamin ang kondisyon ng mga migrant domestic helper na naapektuhan ng sunog.
Nagiikot sila sa mga shelters para alamin kung may mga Pilipino na tumutuloy gayunman nakatanggap sila ng impormasyon na karamihan sa mga naapektuhang helpers ay kinumkop ng mga kapwa Pilipino.
Sa ngayon nakaugnayan na nila ang anim na helpers na mula mismo sa Wang Fu Court at naabutan na rin ng aid pack.
May natanggap na rin silang mga donasyon na damit partikulkar ang mga winter clothes dahil sa karamihan sa mga survivor ay walang naisalbang gamit.
May mga nag ulat na rin na nasunugan ng passport at ilang mahahalagang dokumento.
Labis rin ang trauma na sinapit ng mga Pinoy helpers na naapektuhan ng sunog dahil hanggang sa ngayon ay hirap ang mga itong makakain dahil sa naging epekto ng insidente.
Para masuportahan naman ang pangangailangan na psychological ay nakipag ugnayan sila sa St. John’s Counciling service bilang tulong para sa mga kababayang Pilipino.
Sinisikap din nila ngayon na maidulog sa konsulada ang pagkakaloob ng bagong pasaporte sa mga helper na nasunugan ng dokumento ng libre at walang bayad
Hihilingin din sa Hong Kong Government na payagan ang mga naapektuhang helper na nawalan ng trabaho dahil sa sunog na makapaghanap ng bagong trabaho nang hindi pwersahang pinapauwi sa Pilipinas.
Samantala, kahapon sinimulan na ng mga bumbero na pasukin ang mga nasunog na gusali para magsagawa ng clearing at hanapin ang labi ng ilang mga nawawala pang indibiduwal.
Kung matatandaan umakyat na sa 128 ang kumpirmadong nasawi sa isa sa deadliest fire incident sa Hong Kong.
Sa ngayon nagpapagaling parin sa pagamutan ang isang Pinay na nasugatan at nanatili sa pagamutan habang may ilan pang Pinoy Helpers ang patuloy na hinahanap.
Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na hindi gumana ang fire alarm ng gusali kaya naman marami sa mga residente ang walang kamalay malay sa nagaganap na sunog.
Iniimbestigahan na rin ang umano’y paggamit ng substandard mesh ng contractor na siyang naka toka sa renovation sa mga tower.
Samantala, idineklara ng Hong Kong Government ang tatlong araw ng National Day of Mourning kaya lahat ng mga bandila sa iba’t ibang government agencies ang naka half mast.
Habang ang grupong migrante naman ay nakatakdang mag-alay ng panalangin para sa mga biktima.











