--Ads--

Nagtutulong-tulong ngayon ang Filipino Community sa Canada upang makapag-abot ng tulong sa mga biktima sa naganap na trahedya sa Vancouver, Canada na kinasasangkutan ng mg Pilipino.

Matatandaan na 11 katao ang kumpirmadong nasaw habang nasa mahigit 20 indibidwal naman ang nasugatan nang araruhin ng isang sasakyan ang isang Pinoy Street Festival malapit sa East 41st Avenue at Fraser Street sa Canada kung saan ginanap ang Lapu Lapu Day Block Party.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Christian Garcia ng Canada, na maraming nagpapahayag ng kagustuhang maghatid ng tulong sa mga biktima sa anumang pamamaraan gaya na lamang ng burial assistance.

Todo suporta rin ang Pamahalaan ng Vancouver na tulungan ang mga biktima dahil naglatag sila ng 24/7 Hotline na maaaring kontakin at designated areas na pwedeng lapitan ng mga apektadong indibidwal.

--Ads--

Naka-half-staff din ang bandila ng Canada sa Vancouver bilang pakikiramay sa mga biktima.

Aniya, ang suspek sa naturang insidente ay dati ng may record sa kapulisan at ito ay nauugnay sa pagkakaroon nito ng Mental Health Issue.

Hindi pa naman malinaw sa ngayong kung bakit nito nagawa ang krimen ngunit tinanggal na ng mga awtoridad ang anggulo na ito ay act of terrorism dahil na rin sa isyu nito sa mental health.

Mahigpit naman aniya ang seguridad sa lugar dahil mayroong barikada ang bawat kanto na nakakasakop sa venue ng naturang event ngunit maaaring tinanggal na ito ng mga awtoridad matapos ang alas-otso ng gabi kung saan natapos na ang pagtitipon kaya nagkaroon ng pagkakataon na makapasok ang isang SUV na lulan ang suspek.

Marami umano ang dumalo sa event at ang ilan ay mga banyaga dahil na rin sa ilang mga aktibidad gaya ng concert kung saan nagtanghal si Black Eyed Peas singer Apl.de.ap.

Ito na aniya ang pinakamalalang insidente na naitala sa kasaysayan ng Filipino Events sa Canada.

Samantala, Nagluluksa ngayon ang Filipino Community sa Vancouver, Canada dahil sa trahedyang sinapit ng ilang mga Pinoy na dumalo sa Lapu Lapu Day Block Party sa naturang lugar.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Bernice Abara, sinabi niya na nakausap niya mismo ang isa sa mga coodinator ng event na isinugod sa Hospital kung saan siya nagtatrabaho at mababakas umano sa mukha nito ang labis na kalungkutan.

Ayon aniya sa Organizer, tapos na ang event ng mangyari ang incidente at bumibili na lamang sila ng pagkain sa mga food trucks sa gilid ng daan nang araruhin sila ng isang SUV.

Bumisita rin sa pagamutan ang Philippine Consulate sa Canada upang tingnan ang kalagayan ng biktima at nagbigay rin sila ng tulong sa mga ito.