--Ads--

Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa umiiral na Southwest Monsoon o Habagat.

Sa Weather Advisory na inilabas kaninang alas-5 ng hapon, Agosto 16, inaasahang makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan hanggang bukas ng hapon, Agosto 17, ang Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet at Zambales.

Samantala, binabantayan din ng PAGASA ang dalawang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Ayon sa ahensya, ang LPA 08e ay malabong maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras, habang ang LPA 08f ay may katamtamang posibilidad na maging tropical depression sa parehong panahon.

Ayon sa PAGASA, maaaring mas mataas pa ang dami ng ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Posible ring lumala ang epekto ng pag-ulan sa mga lugar na nakaranas na ng malalakas na ulan sa mga nagdaang araw.

--Ads--

Dahil dito, pinapayuhan ang mga local disaster risk reduction and management offices at ang publiko na magsagawa ng kinakailangang paghahanda upang maprotektahan ang buhay at ari-arian laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.Patuloy namang maglalabas ang PAGASA ng mga Heavy Rainfall Warning, Thunderstorm Advisory at iba pang kaukulang babala depende sa lagay ng panahon sa mga apektadong lugar.