Pinaigting ng City Veterinary Office ng Cauayan ang monitoring at biosecurity measures upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng African Swine Fever o ASF.
Ayon kay Dr. Ronald Dalauidao, Veterinary Officer ng Cauayan City, sinabi nito na patuloy na nararanasan ang panibagong paglaganap ng ASF hindi lamang sa Isabela kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Isinasagawa ngayon ang selective culling o depopulation, kung saan mga baboy lamang mula sa mga apektadong farm ang isinasailalim sa naturang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Gayunman, aminado ang opisyal na nagiging hamon ang agarang pagtukoy sa mga apektadong baboy dahil may mga hog raiser na nag-aatubiling i-report sa mga awtoridad ang kanilang mga kaso, habang ang iba ay mas pinipiling sila na lamang ang magkakatay ng kanilang mga alagang hayop.
Matatandaang kasunod ng outbreak ng ASF sa bayan ng Alicia, Isabela ay nagpatupad ang pamahalaan ng iba’t ibang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng sakit, kabilang ang paghihigpit sa paggalaw at pag-aalaga ng mga baboy.
Binigyang-diin naman ni Dalauidao ang kahalagahan ng mahigpit na biosecurity measures, kabilang ang masusing monitoring at regulasyon sa mga backyard hog raisers upang mabawasan ang posibilidad ng transmission ng ASF.
Umaasa rin ang opisyal na magiging available ang bakuna kontra ASF bilang karagdagang hakbang sa pagkontrol sa sakit.
Patuloy naman ang panawagan ni City Veterinary Office na agat i-report sa mga awtoridad ang nga hinihinalang kasong ng ASF upang maisagawa ang mga kaukulang pagsusuto at containment measures.











