--Ads--

Muling pinatunayan ng supermodel at television host na si Heidi Klum ang kaniyang pagiging “Queen of Halloween” matapos magpakita sa kaniyang taunang Halloween party na nakasuot ng costume na kahawig ng isang napakalaking putol na kaliwang kamay.

Ipinakita ni Klum ang kaniyang kakaibang costume sa ika-25 taunang Halloween party na ginanap sa Cathédrale Restaurant sa Moxy East Village, New York City.

Kapansin-pansin sa prosthetic costume ang maliliit na detalye ng kaniyang kamay, kabilang ang mga guhit at ugat sa palad, mahahabang pulang kuko at malalaking replika ng kaniyang mga singsing. Isinama rin sa disenyo ang kaniyang mukha malapit sa tila duguang bahagi ng pulsuhan, kasama ang mga artipisyal na litid at buto upang magmukhang bagong naputol ang kamay.

Ayon kay Klum, umabot ng lima hanggang anim na oras ang paghahanda bago niya maisuot ang costume. Inamin din niyang mabigat at mahirap itong dalhin dahil sa laki at disenyo nito.

--Ads--

Naisip umano niya ang konsepto noong nakaraang taon habang tinitingnan ang sarili niyang kamay at naisip kung kakasya ba ang buong katawan niya sa loob ng isang higanteng replika nito.

Kilala si Klum sa kaniyang detalyado at malikhaing Halloween costumes na karaniwang pinaghahandaan nang ilang buwan at isinasakatuparan katuwang ang mga special-effects artist.