Dumating kahapon sa bansa ang 329,000 barrels ng diesel mula Malaysia, bilang ikalawang bahagi ng mga delivery na nakuha ng Philippine National Oil Co. mula sa mga supplier sa labas ng Gitnang Silangan.
Noong Marso 26, nakatanggap ang Pilipinas ng 142,000 barrels ng diesel mula Japan. Ayon sa Department of Energy (DOE), mahigit 1.5 milyong barrels pa ang inaasahang darating sa mga susunod na linggo upang palakasin ang reserbang suplay ng bansa. Target ng pamahalaan na makakuha ng hanggang 2 milyong barrels o katumbas ng 318 milyong litro ng diesel mula sa alternatibong pinagmumulan upang maiwasan ang kakulangan sa suplay.
Inaasahan pang darating ang 600,000 barrels ng diesel ngayong Abril — kalahati mula India at North Asia sa kalagitnaan ng buwan, at ang natitira mula Oman via Singapore bago matapos ang Abril.
Batay sa datos ng DOE-Oil Industry Management Bureau, hanggang Abril 3 ay may 50.42 araw na imbentaryo ng fuel ang bansa, kung saan ang diesel ay tatagal ng 47.26 araw.
Samantala, may inaasahang rollback sa presyo ng diesel sa susunod na linggo matapos ang limang sunod na linggong taas-presyo. Ayon sa isang industry source, posibleng bumaba ng ₱8.80 hanggang ₱10.80 kada litro ang diesel, habang ang gasolina ay maaaring bumaba ng hanggang ₱1.50 kada litro o manatiling pareho. Kung matutuloy, ito ang unang rollback sa loob ng mahigit tatlong buwan, mula pa noong Disyembre 30, 2025.
Final na adjustments sa presyo ay iaanunsyo bukas at ipatutupad sa sumunod na araw.











