Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi maituturing na naaresto sa Czech Republic ang puganteng dating kongresista na si Zaldy Co, taliwas sa naunang pahayag na siya ay nahuli at nasa kustodiya ng mga awtoridad doon.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, hindi maaaring gamitin ang salitang arrest dahil wala umanong nakabinbing warrant laban kay Co sa Czech Republic.
Ipinaliwanag na naharang si Co sa hangganan ng Germany matapos pumasok mula sa Czech Republic at nananatili siya sa ilalim ng hurisdiksyon ng mga awtoridad ng Czech.
Sinabi rin ng DOJ na hindi pa malinaw ang eksaktong aksyong ginawa laban kay Co at malalaman lamang ito kapag nagsimula na ang pormal na pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Czech Republic.
Inihalintulad ng DOJ ang sitwasyon sa isang pasaherong pinipigilang makapasok sa airport dahil sa kakulangan ng dokumento, kung saan hindi man ito arrest, ay may kalakip na pansamantalang restriksyon sa kalayaan.
Binigyang-diin ng DOJ na may legal na depinisyon ang arrest, at bagama’t may naganap na aksyon laban kay Co, hindi pa tukoy ang eksaktong proseso na isinagawa ng Czech authorities.
Sa ngayon, hindi pa rin malinaw kung si Co ay nasa kustodiya pa o nakalaya na, at inaasahang lilinaw ito sa mga susunod na koordinasyon ng Pilipinas at Czech Republic.
Samantala, nananatiling kumpiyansa ang pamahalaan na maibabalik si Co sa bansa, ngunit kinikilala na ito ay nakadepende sa mga proseso at desisyon ng mga awtoridad ng Czech Republic.
Si Co, dating kinatawan ng Ako Bicol party-list at dating chair ng House appropriations committee, ay nahaharap sa tatlong arrest warrant mula sa Sandiganbayan kaugnay ng multi-bilyong pisong flood control scandal. Itinuturing siyang pugante mula Hulyo 2025 matapos umalis ng bansa para umano sa gamutan sa Estados Unidos, at kalaunan ay kinansela ang kanyang pasaporte at hiniling ang Interpol Red Notice.











