--Ads--

Arestado ang isang hinihinalang gun runner matapos ang isinagawang buy-bust operation sa lungsod ng Ilagan na nagresulta rin sa pagkakakumpiska ng iba’t ibang baril, granada, at hinihinalang ilegal na droga.

Kinilala ang suspek sa alyas “Mike,” 35 anyos, binata, laborer, at residente ng Purok 3B, Brgy. Upi, Gamu, Isabela.

Ayon sa ulat, dakong 9:23 kagabi, Mayo 6, 2026 nang magsagawa ng intelligence-driven operation ang Ilagan City Component Police Station sa Purok 1, Brgy. Bagong Silang.

Naaresto ang suspek matapos nitong maibenta sa isang poseur-buyer ang isang Colt .45 pistol na may magazine at tatlong bala, kapalit ng isang ₱1,000 tunay na pera at ₱22,000 boodle money.

--Ads--

Matapos ang transaksyon, isinailalim sa body search ang suspek na nagresulta sa pagkakarekober ng iba pang kontrabando, kabilang ang isang MK2 fragmentation grenade, isang kalibre .22 revolver na may tatlong bala, isang sachet ng hinihinalang shabu (0.1 gramo na may halagang ₱680), foil, cellphone, pera, at motorsiklo na pinaniniwalaang gamit sa ilegal na aktibidad.

Maayos na naidokumento at naimbentaryo ang lahat ng ebidensya sa presensya ng suspek, mga kinatawan ng National Prosecution Service, at mga opisyal ng barangay, alinsunod sa tamang legal na proseso.

Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (illegal na pagbebenta at pagdadala ng baril at bala), Republic Act 9165 (paglabag sa dangerous drugs law), at Republic Act 9516 (illegal possession of explosives).