Nilinaw ng isang Abogado na hindi sa lahat ng pagkakataon ay pwedeng isailalim sa hospital arrest ang isang akusado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, law professor, sinabi nito na case-to-case basis ang hospital arrest at nakadepende ito sa desisyon ng hukuman.
Ang kadasang pinagbabasehan dito ay ang kung talagang kinakailangan ng isang akusado na manatili sa pagamutan.
Ito ay isinasagawa ng paghahain ng mosyon ng depensa at binibigyan din ng pagkakataon ang prosekusyon na magbigay ng komento.
Bago naman pagbigyan ng hukuman ang kahilingan ay kadalasang pinasusuri muna sa Doktor ng pamahalaan ang akusado upang matukoy ang tunay nitong kalagayan. Sila naman ang magrerekomenda kung dapat bang manatili o hindi ang akusado sa Hospital.
Bagama’t nauunawaan ni Atty. Arreola ang sentimyento ng taumbayan hinggil sa umano’y hindi patas na pagpapatupad ng batas sa mga mahihirap at mayaman dahil sa umano’y palagiang hospital arrest ng ilang matataas na opisyal ng bansa, iginiit nito na hindi ganoon umiiral ang proseso ng batas.
Iginiit nito na maging ang mga ordinaryong mamamayan ay maaari ring humiling hospital arrest.








