--Ads--

Patuloy na nagbibigay ng financial assistance ang pamahalaang lungsod ng Cauayan sa mga residenteng nangangailangan ng tulong para sa kanilang pagpapagamot, kabilang ang mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Administrative Aide I Cristina Baniqued ng LGU Cauayan, sinabi niya na ipinagkakaloob ang nasabing tulong sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Jaycee Dy.

Matagal nang ipinatutupad ang programa na nagsimula pa noong termino ni dating Mayor Bernard Dy. Layunin nitong matulungan ang mga residenteng may pangangailangang medikal, bata man o matanda.

Sa proseso ng pagkuha ng medical assistance, kinakailangang dumaan muna ang mga aplikante sa paunang pagproseso at beripikasyon ng kanilang mga dokumento bago sumailalim sa assessment.

--Ads--

Kabilang sa mga pangunahing kinakailangan ang reseta ng doktor para sa mga gamot at iba pang pangangailangang medikal. Para naman sa mga gastusin sa pagpapaospital, kailangang isumite ang hospital bill at medical abstract.

Kinakailangan din ang identification card, barangay indigency certificate ng nag-aasikaso ng aplikasyon, at dokumentong magpapatunay sa relasyon ng aplikante sa pasyente.

Samantala, sinabi ni Baniqued na may nakatalagang paymaster na nangangasiwa sa pamamahagi ng pinansiyal na tulong sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Muli naman niyang pinaalalahanan ang mga aplikante na ihanda at kumpletuhin ang lahat ng kinakailangang dokumento upang maiwasan ang pagkaantala sa pagproseso ng kanilang medical assistance.