Nag-deploy ng dalawang personnel ang Highway Patrol Group (HPG) ng Isabela bilang bahagi ng security operations para sa pagho-host ng Pilipinas sa mga aktibidad ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN ngayong 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kayPMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng Isabela Provincial Highway Patrol Group, sinabi nitong dalawang personnel mula sa kanilang hanay ang naitalaga bilang bahagi ng security contingent, kabilang ang isang motorcycle rider na kabilang sa Lead Bike Group.
Ayon kay PMaj. Bagayao, siyam na personnel mula sa HPG sa buong Region 2 ang kabuuang na-deploy para tumulong sa seguridad ng ASEAN-related activities.
Kabilang sa pangunahing tungkulin ng HPG sa mga ganitong aktibidad ang pagbibigay ng security at escort assistance, traffic management, at pagtiyak sa maayos at ligtas na paggalaw ng mga delegado at iba pang VIP.
Patuloy naman ang koordinasyon ng Philippine National Police sa iba’t ibang ahensya at local government units para sa deployment ng personnel at seguridad sa mga pangunahing aktibidad ng ASEAN.










