Nakatakdang magsagawa ang Highway Patrol Group (HPG) Isabela ng mga lecture at information drive sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan upang mapalawak ang kaalaman ng mga estudyante hinggil sa kaligtasan sa kalsada at mga umiiral na batas-trapiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi niya na kabilang sa mga tatalakayin sa programa ang kahalagahan ng road safety, pagiging mapagmatyag habang nasa lansangan, at mga hakbang upang maiwasan ang mga road crash o aksidente sa kalsada.
Binigyang-diin ni Bagayao na mahalagang maagang mamulat ang mga kabataan sa responsableng paggamit ng kalsada at sa mga panganib na maaaring idulot ng hindi pagsunod sa mga batas-trapiko.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang ahensya sa iba’t ibang paaralan upang maisakatuparan ang programa sa lalong madaling panahon.
Aniya, naniniwala ang HPG Isabela na ang pagbibigay ng sapat na kaalaman sa mga estudyante hinggil sa road safety ay makatutulong sa pagpapababa ng bilang ng mga aksidente sa lansangan at iba pang insidenteng may kaugnayan sa mga sasakyan.











