--Ads--

Nagpakita ng pwersa at makabagong kakayahan ang Hukbong Katihanan sa isinagawang live firing exercise sa lalawigan ng Ifugao.

Ang pwersa ng 501st Infantry Brigade sa mabundok na bahagi ng Barangay Payawan sa bayan ng Lamut, Ifugao.

Ito ay para sa isa sa pinakamalaking pagsasanay ng hukbo ngayong taon—ang Combined Arms Brigade Exercise o CABEX 2026.

Sunod-sunod na pagpapaputok ng mabibigat na kagamitang pandigma, partikular ang artillery at mortar ammunition. Sa kabuuan, dalawandaan at labingwalong sundalo ang lumahok sa naturang exercise.

--Ads--

Dito sinubok ang kanilang bilis sa pagresponde, taktika sa pakikipagbakbakan sa kabundukan, at ang eksaktong koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang yunit.

Gumamit ang tropa ng surveillance drone upang magsilbing mata sa himpapawid—binabantayan nito ang bawat galaw ng mga sundalong sumusugod sa bundok at tinitiyak na asintado ang bawat target.

Samantala, nagbigay ng pambungad na mensahe si 501st Infantry Brigade Commander, Brigadier General Darrel Bañez. Naging saksi rin sa makasaysayang aktibidad sina Lamut Mayor Mariano Buyagawan at ang mga opisyal ng barangay bilang suporta sa hanay ng kasundaluhan.

Ayon kay General Bañez, ang CABEX 2026 ay patunay lamang na anumang oras at saanmang lupalop, handa ang tropa ng pamahalaan na ipagtanggol ang bayan at ang buong Pilipinas laban sa anumang banta sa seguridad.