--Ads--

Iginiit ng kampo ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi nito pinabayaan ang kaniyang tanggapan sa Senado sa kabila ng matagal na nitong hindi pagpasok sa trabaho, kasunod ng reklamong inihain laban sa kaniya sa Senate Ethics Committee.

Ayon sa abogado nitong si Atty. Israelito Torreon, nananatiling bukas at kumpleto sa mga kawani ang tanggapan ng senador at patuloy na nagbibigay ng serbisyo.

Hindi lamang aniya personal na pumapasok si Dela Rosa dahil sa posibilidad na arestuhin at isuko sa International Criminal Court (ICC), batay sa warrant na ang bisa sa Pilipinas ay nakabinbin pa sa Korte Suprema.

Sinabi rin ni Torreon na hindi pa maaaring disiplinahin ang senador dahil wala umanong nilabag na umiiral na patakaran ng Senado.

--Ads--

Tinukoy ng abogado na ang pagtanggap ng Senate Ethics Committee sa reklamo bilang sapat sa pormal na rekisito ay hindi nangangahulugang napatunayang lumabag sa anumang alituntunin si Dela Rosa.

Nakatanggap ang tanggapan ng senador ng abiso hinggil sa reklamo noong Nobyembre 19 at kinumpirmang magsusumite ito ng sagot sa loob ng itinakdang panahon, kasabay ng paghiling na ibasura ang reklamo.

Matatandaang matagal nang hindi nakikita sa publiko si Dela Rosa, maliban sa maikling paglitaw nito sa Senado noong Mayo.

Nahaharap ang senador sa alegasyon ng crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.