Sa kabila ng nagpapatuloy na krisis sa langis at mataas na gastusin sa pamumuhay, inaasahan ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang malaking epekto sa bilang ng mga biyahero ngayong Semana Santa, na tinatayang aabot sa tatlong milyon.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, hindi inaasahan ang malaking pagbaba sa bilang ng mga pasahero sa mga pantalan kumpara noong nakaraang taon.
Sinimulan ng PCG ang pagbabantay sa dami ng pasahero noong Marso 28 bilang bahagi ng Oplan Byaheng Ayos Semana Santa 2026, at mananatiling naka-alerto hanggang Abril 5.
Hanggang kahapon ng umaga, nakapagtala na ang PCG command center ng 390,000 pasahero sa mga pantalan ng Batangas, Cebu, Bohol, at Oriental Mindoro. Inaasahan ang dagsa ng mga biyahero sa hapon ng Martes o Miyerkules.
Magde-deploy ang PCG ng 17,000 tauhan upang tumulong sa mga biyahero, katuwang ang Maritime Industry Authority at Philippine Ports Authority.
Ayon naman kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado, inaasahan ang pagdami ng mga biyahero sa himpapawid ngayong Semana Santa.
Naglagay ang BI ng karagdagang frontline personnel sa mga pangunahing paliparan. Paalala rin sa mga government workers na magpakita ng travel authority, at sa mga maglalakbay kasama ang menor de edad na kumuha ng travel clearance mula sa DSWD. Ang mga dayuhan na mahigit anim na buwan nang nananatili sa bansa ay dapat kumuha ng Emigration Clearance Certificate bago umalis.
Si Transportation Secretary Giovanni Lopez ay nagsagawa ng inspeksyon sa NAIA Terminals 1, 2, at 3 upang tiyakin ang kahandaan ng mga pasilidad. Ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC), tataas sa 150,000 ang average daily passengers ngayong Semana Santa, mas mataas kaysa 147,000 noong 2025.
Samantala, ipinatutupad na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga road worthiness inspection protocols sa mga bus at PUV terminals.
Ayon kay LTFRB chairman Vigor Mendoza II, nakikipag-ugnayan na ang mga regional directors sa LGUs at law enforcement agencies para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng road safety rules.
Maliban sa pagpapatupad ng seatbelt law, child safety law, at pagbabawal sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho at pagpapadala rin ng mystery riders upang tiyakin ang tamang pamasahe at maiwasan ang overloading.











