Pinagtibay ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang hurisdiksyon ng korte sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, at tuluyang ibinasura ang apela ng depensa.
Sa desisyong inilabas nitong Miyerkules, Abril 22, kinumpirma ng Appeals Chamber ang naunang pasya noong Oktubre 23, 2025 ng Pre-Trial Chamber I na tumanggi sa hamon ng kampo ni Rodrigo Duterte sa hurisdiksyon ng ICC.
Ayon sa hukuman, walang naipakitang “reversible error” ang depensa sa naging desisyon ng Pre-Trial Chamber, kaya’t mananatiling may hurisdiksyon ang ICC sa kaso.
Ibinasura rin ng Appeals Chamber ang lahat ng apat na grounds ng apela, at sinabing “moot” na ang hiling ng depensa para sa agarang pagpapalaya kay dating Pangulo.
Idinagdag din ng korte na pinagtitibay ng majority ang naunang desisyon ng Pre-Trial Chamber.
Binigyang-diin ng ICC na nananatili ang hurisdiksyon nito sa mga sinasabing krimen na naganap habang miyembro pa ng Rome Statute ang Pilipinas, sa kabila ng pag-atras nito noong 2019.
Si Rodrigo Duterte ay nahaharap sa kasong crimes against humanity, partikular ang murder at attempted murder, kaugnay ng anti-drug campaign mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.
Wala si dating Pangulong Duterte sa pagdinig matapos niyang i-waive ang kanyang karapatang dumalo at kinatawan siya ng kanyang legal team na pinangungunahan ni Atty. Nicholas Kaufman.











