--Ads--

Hiniling ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na ibasura ang mosyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag dumalo nang personal sa nakatakdang confirmation of charges hearing.

Kaugnay ito ng kinahaharap niyang kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Batay sa dokumentong may petsang Pebrero 19, iginiit ng Prosecution sa ICC Pre-Trial Chamber I na si Duterte ay nasa maayos na kalagayan, maaaring humarap, at nararapat dumalo nang personal sa pagdinig. Ayon sa kanila, hindi maaaring magdesisyon ang dating pangulo nang mag-isa na hindi dumalo sa mga pagdinig, at wala umanong makatwirang dahilan upang siya ay hindi humarap sa korte sa naturang hearing.

Nauna nang inilahad ni Duterte sa kanyang mosyon na hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC. Binigyang-diin din niya na siya ay dinukot at itinuring na walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya.

--Ads--

Samantala, nilinaw ng ICC na ang mga hukom pa rin ang magpapasya kung papayagan o hindi ang kahilingan ng dating pangulo na hindi personal na dumalo sa pagdinig.

Nakatakda sa Pebrero 23 ang confirmation of charges hearing ni Duterte. Sa kasalukuyan, siya ay nakadetine sa kustodiya ng ICC sa The Hague, Netherlands habang hinihintay ang mga susunod na hakbang sa kanyang kaso.