Hiniling ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na sa Nobyembre 30, 2026 simulan ang paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kinahaharap nitong kasong crimes against humanity.
Sa kanilang isinumiteng kahilingan noong Mayo 15, sinabi ng prosekusyon na inaasahang matatapos ang lahat ng kinakailangang pre-trial preparations pagsapit ng Setyembre 30, 2026, na magbibigay ng dalawang buwang paghahanda bago ang pormal na paglilitis.
Samantala, iminungkahi naman ng mga abogado ng mga biktima ng war on drugs na mas maagang simulan ang trial sa Setyembre 2026 upang matiyak ang mabilis na pag-usad ng kaso habang napapangalagaan ang karapatan ng parehong mga biktima at akusado.
Ayon sa depensa ni Duterte, sa pangunguna ng bago nitong abogado na si Peter Haynes, ang iskedyul ng paglilitis ay dapat nakadepende sa magiging pasya ng korte hinggil sa pisikal na kakayahan ng dating pangulo na humarap sa paglilitis, lalo na’t iginiit nilang lumalala ang kondisyon nito.
Gayunman, batay sa isinagawang independent medical assessment, nananatiling may kakayahan ang 81-anyos na si Duterte na lumahok sa mga court proceedings.
Noong Abril 23, pormal nang kinumpirma ng ICC ang mga paratang laban kay Duterte at inilipat ang kaso mula Pre-Trial Chamber I patungo sa Trial Chamber III.











