--Ads--

Ilang gasolinahan sa lungsod ng Cauayan ang nabigyan na ng warning ng mga awtoridad dahil sa mabagal umanong pagpapatupad ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pillarito Mallillin, sinabi nito na nakakatanggap sila ng mga ulat hinggil sa ilang gasolinahan na hindi agad nagpapatupad ng rollback sa itinakdang oras at araw.

Ayon kay POSD Chief Mallillin, mayroon silang mga spotter na nakatalaga sa iba’t ibang gasolinahan upang bantayan kung sumusunod ang mga ito sa tamang pagpapatupad ng price rollback.

Sinabi pa ng opisyal na mayroon nang ilang gasolinahan ang kanilang nabigyan ng warning kaugnay sa nasabing paglabag at kadalasan umano rito ay mga hindi gaanong kilalang gasoline station sa lungsod.

Babala ni Mallillin, maaari silang mapatawan ng kaukulang aksyon kapag hindi sumunod sa ipinatutupad na department order ng national government hinggil sa rollback ng presyo ng langis.

Binigyang-diin din nito na mahalagang mabantayan ang galaw ng presyo ng mga produktong petrolyo upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa posibleng pang-aabuso.

Samantala, patuloy naman ang ginagawang pagmomonitor ng mga awtoridad sa iba’t ibang gasolinahan sa Cauayan City upang matiyak na nasusunod ang ipinatutupad na rollback sa presyo ng petrolyo.