--Ads--

Arestado ang isang truck driver matapos masabat ng mga awtoridad ang mahigit 3,500 litro ng hinihinalang ilegal na diesel sa isinagawang checkpoint operation sa bayan ng Santa Fe.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT. John Mark R. Aguinaldo, 2nd Platoon Leader ng 205th Maneuver Company ng RMFB2, sinabi nito na dakong alas-11:00 ng umaga, kahapon nang tangkaing takasan ng suspek ang checkpoint sa Dalton Pass, Brgy. Tactac matapos hindi huminto sa inspeksyon.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad sa koordinasyon ng Santa Fe Municipal Police Station hanggang sa tuluyang maharang ang sasakyan sa Brgy. Baliling.

Kinilala ang naarestong suspek na si Alyas Daryo, 59-anyos, residente ng Bokod, Benguet, habang nakatakas naman ang kanyang kasamang si Alyas Randy na nagsilbing spotter gamit ang motorsiklo.

--Ads--

Ayon pa kay PLT. Aguinaldo, modus ng mga suspek ang paggamit ng spotter upang makaiwas sa mga checkpoint.

Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ang tinatayang 3,580 litro ng diesel na nakalagay sa iba’t ibang lalagyan kabilang ang mga drum, container, at galon, na may kabuuang halagang aabot sa mahigit P300,000.

Dagdag pa ng opisyal, wala umanong maipakitang kaukulang dokumento ang suspek, at ginamit pa ang isang mini dump truck na hindi awtorisadong mag-transport ng ganitong uri ng produkto.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1865 o ang ilegal na transportasyon ng petroleum products, habang nagpapatuloy ang manhunt operation laban sa kanyang kasamang nakatakas.

Paalala naman ng opisyal sa publiko na tiyaking may sapat na dokumento at tamang sasakyan sa pagbiyahe ng mga produktong petrolyo upang maiwasan ang kapahamakan at pananagutan sa batas.