Isang mahalagang tagumpay ang naitala ng 205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Batallion (RMFB2) ng Philippine National Police (PNP) matapos itong gawaran ng Performance Governance System (PGS) Compliance Status, bilang pagkilala sa kanilang kahusayan sa pagpapatupad ng mga pamantayan ng organisasyon.
Sa isinagawang seremonya, ipinahayag ng kinatawan ng Technical Working Group ang pagbati sa 205th company na matagumpay na nakapasa sa lahat ng kinakailangan para sa compliance stage ng PGS. Ayon sa ulat, nakapagtala rin ang kumpanya ng mataas na marka na 90.1.
Inihayag ni 205th Advisory council chairman Benjie Bulauit na ang pagkakamit ng compliance status ay patunay ng dedikasyon at pagsusumikap ng bawat miyembro ng yunit.
Dagdag pa niya, ang PGS ay isang patuloy na proseso, at inaasahan na maaabot ng kumpanya ang mas mataas na antas, kabilang ang Level 4 o institutionalization stage.
Binigyang-diin din sa programa ang kahalagahan ng papel ng pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, alinsunod sa layunin ng PNP na maging isang “capable, effective, and credible police service” na katuwang ng komunidad.










