Ilang katao ang nasawi habang isa naman ang sugatan matapos ang isang mass shooting sa Caswell County, North Carolina sa Estados Unidos nitong Miyerkules.
Ayon sa North Carolina State Bureau of Investigation (SBI), naganap ang insidente bandang alas-8:30 ng umaga sa isang bahay sa kahabaan ng Brooks Road sa Prospect Hill area.
Nang rumesponde ang mga tauhan ng Caswell County Sheriff’s Office, nadatnan nila ang ilang biktima na may tama ng bala. Isa sa mga ito ang agad na dinala sa Duke University Hospital sa Durham para sa gamutan, habang ilan naman ang nasawi sa pinangyarihan.
Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang eksaktong bilang ng mga namatay at sugatan sa insidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng SBI, kabilang ang pangangalap ng ebidensya at pakikipanayam sa mga saksi upang matukoy ang motibo ng pamamaril.
Bagama’t hindi pa naglalabas ng detalye ang mga awtoridad hinggil sa suspek, tiniyak nilang wala nang banta sa kaligtasan ng publiko.
Matatagpuan ang Caswell County sa hangganan ng mga estado ng North Carolina at Virginia, habang ang lugar ng insidente ay nasa humigit-kumulang 40 minutong biyahe sa hilagang-kanluran ng lungsod ng Durham.











