--Ads--

Isang sibilyan sa Ukraine at isa sa Russia ang nasawi sa magkahiwalay na drone strike, habang tumitindi ang pangamba na mabigo ang planong tigil-putukan bago ang susunod na yugto ng negosasyon sa susunod na linggo.

Dumating ang balita kasabay ng mga pahayag nina Pangulong Volodymyr Zelenskyy ng Ukraine at Kalihim ng Estado ng Estados Unidos na si Marco Rubio hinggil sa mga balakid sa pag-abot ng kasunduan sa Geneva. Papasok na sa ikalimang taon ang digmaan mula nang salakayin ng Russia ang Ukraine.

Sa talumpati ni Zelenskyy sa Munich Security Conference, sinabi niyang umaasa siya sa “makabuluhang” progreso sa trilateral na pagpupulong sa susunod na linggo. Gayunman, aniya, tila madalas na “magkaiba ang pinag-uusapan” ng dalawang panig sa negosasyon.

Samantala, sinabi ni Rubio na hindi pa malinaw kung seryoso ang Moscow sa pagtatapos ng digmaan.

--Ads--

Isa sa pinakamainit na isyu sa usapan ang kahilingan ng Russia na tuluyang umatras ang mga puwersang Ukrainian mula sa natitirang bahagi ng silangang rehiyon ng Donetsk na kontrolado pa ng Kyiv. Mariing tinutulan ito ng Ukraine at iginiit ang pangangailangan ng mga garantiya sa seguridad mula sa Kanluran upang mapigilan ang posibleng panibagong pagsalakay ng Russia sakaling magkaroon ng tigil-putukan.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ng Kalihim-Heneral ng NATO na si Mark Rutte na nakararanas ang Russia ng “matitinding pagkalugi” sa larangan ng digmaan, na tinatayang nasa 65,000 sundalo ang nasawi sa nakalipas na dalawang buwan. Iginiit din niyang nananatiling matatag ang alyansa ng NATO laban sa anumang banta.

Ayon sa mga pagtataya, daan-daang libong sundalo at sampu-sampung libong sibilyan na ang nasawi mula nang ilunsad ng Russia ang malawakang pagsalakay noong Pebrero 24, 2022—ang pinakamadugong digmaan sa Europa mula pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa pinakahuling mga pag-atake, isang matandang babae ang nasawi matapos tamaan ng drone ng Russia ang isang gusaling tirahan sa daungan ng Odesa sa Black Sea. Noong Miyerkules, tatlong bata—kabilang ang dalawang taong gulang na kambal—at ang kanilang ama ang napatay sa rehiyon ng Kharkiv sa hilagang-silangan ng Ukraine.

Sa Russia naman, isang sibilyan ang nasawi sa drone strike ng Ukraine sa rehiyon ng Bryansk malapit sa hangganan. Nauna rito, dalawang katao ang napatay at lima ang sugatan sa missile strike ng Ukraine sa lungsod ng Belgorod.

Ayon kay Zelenskyy, mahigit 6,000 drone attack ang inilunsad ng Russia laban sa Ukraine noong Enero pa lamang. Gayunman, tiniyak niyang malapit nang makapagprodyus ang Ukraine ng sapat na interceptor upang mapawalang-saysay ang mga drone na gawa sa Iran na ginagamit ng Russia.

Habang nagpapatuloy ang palitan ng mga pag-atake, nananatiling malabo kung makakamit ang tigil-putukan sa nalalapit na negosasyon—at kung may handa bang magbigay ng kinakailangang konsesyon upang wakasan ang digmaan.